Aabot na sa halos ₱700 milyon ang pinsalang iniwan ng Bagyong Enteng sa imprastruktura ng bansa, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Image from Philippine News Agency
Anim na rehiyon ang matinding naapektuhan, kung saan ang Bicol Region ang pinakanapinsala, na nagtamo ng ₱356.1 milyon na halaga ng pagkasira. Sumunod ang Cagayan Valley na may ₱111.9 milyon, at ang Cordillera Administrative Region (CAR) na nagtala ng ₱50.3 milyon na pinsala. Sa kabuuan, mahigit 500 imprastruktura ang naiulat na nasira.
Image from Raphael Bosano/ABS-CBN News
Isa sa mga lugar na ikinagulat ng marami ay ang Rizal, kung saan hindi inaasahan ang malawakang pagbaha, lalo na sa mga pinakamatataas na bahagi tulad ng Antipolo. Itinuturo bilang dahilan ang mabilis na pagdami ng mga residential development na nagresulta sa deforestation ng malaking bahagi ng Rizal, na nagpalala ng pagbaha hanggang sa mga bayan ng Rizal.
Source: Philippine News Agency
Sa mga apektadong lugar, 25 kalsada at 10 tulay ang nananatiling hindi madaanan, at umabot sa 7,622 bahay ang napinsala—493 ang tuluyang winasak, habang 7,129 ang nangangailangan ng pagkukumpuni.
Isa sa mga nasalanta ng bagyo ay si Shamcey Supsup, dating Miss Universe 2011 3rd Runner-Up, na nagbahagi ng kanyang karanasan. Ayon sa kanya, tila ibinalik ng bagyo ang kaniyang trauma mula sa Bagyong Ondoy noong 2009.
Image from @supsupshamcey|Instagram
Sa kasalukuyan, patuloy na bumabangon ang mga apektadong lugar sa bansa. Nagsasagawa ng mga paglilinis at muling pagtatayo ang mga residente upang maibalik ang kanilang mga tahanan at ari-arian na winasak ng bagyo.